Layunin ng Lipunan - 1
Artikulo Bilang 1, Bahagi 1, 1984
Nagtipon tayo rito upang magtatag ng isang lipunan para sa lahat ng nagnanais sundan ang landas at pamamaraan ni Baal HaSulam, ang paraan upang umangat sa antas ng tao at hindi manatili bilang hayop, gaya ng sinabi ng ating mga pantas (Yevamot, 61a) ukol sa talatang, “At kayo, aking mga tupa, ang mga tupa ng aking pastulan, ay mga tao.” At sinabi ni Rashbi, “Kayo ay tinawag na ‘mga tao,’ at ang mga sumasamba sa diyus-diyosan ay hindi tinatawag na ‘mga tao.’”
Upang maunawaan ang kagalingan ng tao, maglalagay tayo ngayon ng isang talata mula sa ating mga pantas (Berachot, 6b) ukol sa talata, “Ang wakas ng usapin, lahat ay narinig: matakot ka sa Diyos, at sundin ang kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong tao” (Ecclesiastes, 12:13). At tinanong ng Gemarah, “Ano ang ibig sabihin ng ‘sapagkat ito ang buong tao’”?
Sinabi ni Rabbi Elazar, “Sinabi ng Lumikha, ‘Ang buong mundo ay nilikha lamang para diyan.’ Ibig sabihin, ang buong mundo ay nilikha para sa pagkatakot sa Diyos.”
Ngunit, kailangan nating maunawaan kung ano ang pagkatakot sa Diyos, bilang dahilan kung bakit nilikha ang mundo. Mula sa lahat ng sinabi ng ating mga pantas, natutunan natin na ang layunin ng paglikha ay upang bigyang kabutihan ang Kanyang mga nilalang. Nangangahulugan ito na nais ng Lumikha na paligayahin ang mga nilalang upang sila ay maging masaya sa mundo. At narito, sinabi ng ating mga pantas ukol sa talatang, “Sapagkat ito ang buong tao,” na ang dahilan ng paglikha ay ang pagkatakot sa Diyos.
Ngunit ayon sa ipinaliwanag sa sanaysay na Matan Torah [“Ang Pagbibigay ng Torah”], ang dahilan kung bakit hindi tinatanggap ng mga nilalang ang galak at kasiyahan, kahit na ito ang dahilan ng paglikha, ay ang pagkakaiba ng anyo sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang. Ang Lumikha ay tagapagbigay at ang mga nilalang ay tumatanggap. Ngunit may isang batas na ang mga sanga ay katulad ng ugat kung saan sila nagmula.
At dahil walang pagtanggap sa ating ugat, dahil ang Lumikha ay sa anumang paraan ay hindi nangangailangan at walang kakulangan, nakakaramdam ang tao ng hindi maganda kapag kailangan niyang tumanggap. Ito ang dahilan kung bakit ang bawat tao ay nahihiyang kumain ng tinapay ng kahihiyan.
Upang maituwid iyon, kailangang malikha ang mundo. Olam [mundo] ay nangangahulugang He’elem [pagkakakubli], upang ang galak at kasiyahan ay kailangang ikubli. Bakit ganoon? Ang sagot ay, dahil sa takot. Sa ibang salita, ito ay upang ang tao ay matakot gamitin ang kanyang mga sisidlan ng pagtanggap, na tinatawag na “pagmamahal sa sarili.” Ibig sabihin, dapat pigilan ng isang tao ang sarili sa pagtanggap ng mga kaligayahan dahil lamang sa kanyang pagnanasa, at kailangan niya ng lakas upang mapaglabanan ang pagnanasa, ang kanyang minimithi.
Sa halip, dapat tumanggap ng mga kaligayahan na magbibigay lugod sa Lumikha. Ibig sabihin, nanaisin ng nilalang na magbigay sa Lumikha at magkakaroon ng pagkatakot sa Lumikha tungkol sa pagtanggap para sa sarili, sapagkat ang pagtanggap ng kasiyahan—kapag tumatanggap para sa sariling kapakinabangan—ay naglalayo sa kanya mula sa pagkapit sa Lumikha.
Kaya't, kapag ang isang tao ay gumagawa ng isa sa mga Mitzvot [mga utos] ng Lumikha, dapat niyang layunin na ang Mitzva na ito ay maghatid sa kanya ng dalisay na kaisipan upang siya ay makapagbigay sa Lumikha sa pamamagitan ng pagsunod sa mga Mitzvot ng Lumikha. Gaya ng sinabi ng ating mga pantas, “Sinabi ni Rabbi Hanania Ben Akashia, ‘Nais ng Lumikha na linisin ang Israel; kaya't binigyan Niya sila ng maraming Torah at Mitzvot.’”
At ito ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon dito—upang magtatag ng isang lipunan kung saan bawat isa sa atin ay sumusunod sa diwa ng pagbibigay sa Lumikha. At upang makamtan ang pagbibigay sa Lumikha, kailangan nating magsimula sa pagbibigay sa tao, na tinatawag na “pagmamahal sa kapwa.”
At ang pagmamahal sa kapwa ay maaari lamang sa pamamagitan ng pagwawalang-bisa ng sarili. Kaya, sa isang banda, dapat maramdaman ng bawat tao ang kababaan, at sa kabilang banda, ipagmalaki na binigyan tayo ng Lumikha ng pagkakataong mapabilang sa isang lipunan kung saan bawat isa sa atin ay may iisang layunin lamang: upang ang {Shechina} [Dibinidad] ay mapasaatin.
At bagamat hindi pa natin nakakamit ang layuning ito, mayroon tayong hangaring makamit ito. At ito rin ay dapat nating pahalagahan, sapagkat kahit tayo ay nasa simula pa lamang ng landas, umaasa tayong makamit ang mataas na layunin.