Hevruta - Kasunod ng Aralin 27 - Pundasyon ng Kabbalistikong Grupo

Hevruta - Kasunod ng Aralin 27 - Pundasyon ng Kabbalistikong Grupo

Hevruta - Kasunod ng Aralin 27 - Pundasyon ng Kabbalistikong Grupo

Nilalaman ng aralin
Mga Materyales

Hevruta - Pagkatapos ng Leksyon 27 - Pundasyon ng Kabbalistic Group

 

 


Ang mga Kabbalist ay laging nag-aaral sa mga grupo. Ito ay isang napakahabang tradisyon, hindi ito bago.

At, tulad ng lahat sa Kabbalah, kailangan nating matutunan ang panloob na kahulugan ng mga konseptong ginagamit natin. Gaya ng kinailangan nating liwanagin ang mga kahulugan ng "Liwanag", "daluyan", at iba pang natatanging konsepto sa Kabbalah, kailangan din nating linawin ang konsepto ng "grupo".

Ang Kabbalistic group ay hindi lamang grupo ng mga taong nagsasama-sama upang gawin ang isang bagay. Siyempre, kasama rito ang pagsasama-sama, ngunit kailangan nating maunawaan ang espirituwal na layunin nito.

Ano ang espirituwal na pakinabang ng pagsasama-sama?

Ano ang napapala natin rito?

At paano natin masusukat ang ating pag-unlad sa paggamit ng espesyal na kasangkapan na tinatawag na Kabbalistic environment, o Kabbalistic group?

Nabanggit na natin ang paksang ito nang pag-aralan natin ang artikulong "The Freedom". Doon, natutunan natin na para lumikha ng tunay na pagbabago at maimpluwensyahan ang ating magiging sarili sa hinaharap, ibig sabihin kung sino ang nais nating maging, kailangan nating buuin ang tamang kapaligiran.

Ipinaliwanag ng mga Kabbalist na ang kapaligirang ito ay nakabatay sa tatlong pangunahing elemento:

  1. Ang mga aklat na iniwan ng mga Kabbalist para sa atin.
  2. Ang Rav, ibig sabihin ay isang Kabbalist na nakamtan ang espirituwalidad at makakapagpaliwanag ng nakasulat sa aklat.
  3. Ang mga kaibigan.

Ang konsepto ng "mga kaibigan" ay isa ring bagay na kailangan nating linawin at siyasatin. Sa Kabbalah, ang mga karaniwang salita ay nagkakaroon ng mas malalim at mas tiyak na kahulugan.

Kaya ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabasa ng artikulo at susubukan pang linawin ang mga konseptong ito. Tatalakayin din natin kung ano ang grupo, ano ang mga kaibigan, at papaano tinutulungan ng Kabbalistic environment ang isang tao na umunlad espirituwal.

 


Rabash Artikulo 1 

 

Nagtipon tayo rito upang magtatag ng isang lipunan para sa lahat ng nagnanais sundan ang landas at pamamaraan ng Baal HaSulam, ang daan upang makataas sa antas ng tao at hindi manatiling tulad ng hayop.


Upang maunawaan ang kahalagan ng tao, magbabanggit tayo ngayon ng taludtod mula sa ating mga pantas.
Sinabi ni Rabbi Elazar, “Sinabi ng Maylalang, ‘Ang buong mundo ay nilikha lamang para diyan.’ Ibig sabihin, ang buong mundo ay nilikha para sa takot sa Diyos.”

Gayunpaman, kailangan nating maunawaan kung ano ang takot sa Diyos, bilang dahilan kung bakit nilikha ang mundo.

Mula sa lahat ng salita ng ating mga pantas, matutunan natin na ang dahilan ng paglikha ay upang bigyang-kasiyahan ang Kanyang mga nilikha.

Ibig sabihin, ninais ng Maylalang na bigyang-ligaya ang mga nilikha upang kanilang madama ang kasiyahan sa mundo. At dito sinabi ng ating mga pantas tungkol sa taludtod, “Sapagkat ito ang buong tao,” na ang dahilan ng paglikha ay ang takot sa Diyos.


Ngunit ayon sa ipinaliwanag sa sanaysay, Matan Torah [“Ang Pagbibigay ng Torah”], ang dahilan kung bakit hindi natatanggap ng mga nilikha ang kasiyahan at kaligayahan, kahit pa ito ang dahilan ng paglikha, ay dahil sa pagkakaiba ng anyo sa pagitan ng Maylalang at ng mga nilikha. Ang Maylalang ay tagapagbigay at ang mga nilikha ay tumatanggap. Ngunit may isang batas na ang mga sanga ay katulad ng ugat kung saan sila nagmula.


At yamang walang pagtanggap sa ating ugat, dahil ang Maylalang ay hindi kailanman nagkukulang at walang kinakailangang punan, nakakaramdam ang tao ng hindi kaaya-aya kapag kailangan niyang maging tagatanggap. Ito ang dahilan kung bakit nahihiya ang bawat tao na kumain ng tinapay ng kahihiyan.
Upang maitama ito, kinailangang malikha ang mundo. Olam [mundo] ay nangangahulugang He’elem [pagtatago/kublihan], kaya ang kasiyahan at ligaya ay kailangang itago.

Bakit ganoon? Ang sagot ay, para sa takot. Sa ibang salita, ito ay upang ang tao ay matutong matakot gumamit ng kanyang mga sisidlan ng pagtanggap, na tinatawag na “pag-ibig sa sarili.” Ibig sabihin, dapat hadlangan ng tao ang sarili sa pagtanggap ng kasiyahan dahil sa kanyang pagnanasa, at magkaroon ng lakas upang lalampasan ang pagnanasa, ang bagay na kanyang hinahangad.


Sa halip, dapat tanggapin ng tao ang kasiyahan na nagdudulot ng kasiyahan sa Maylalang. Ibig sabihin, nanaisin ng nilikha na magbigay sa Maylalang at magkakaroon siya ng takot sa Maylalang, hinggil sa pagtanggap para sa sarili, sapagkat ang pagtanggap ng kasiyahan—kapag tumanggap para sa sariling kapakinabangan—ay nagpapalayo sa kanya mula sa pagkakaisa sa Maylalang.


Kaya, kapag ang isang tao ay tumutupad ng isa sa mga Mitzvot ng Maylalang, [pagwawasto ng pagnanasa upang magbigay] dapat niyang itakda na ang Mitzvah na ito ay magdudulot sa kanya ng mga dalisay na kaisipan upang siya’y makapagbigay sa Maylalang sa pamamagitan ng pagtupad ng mga Mitzvot ng Maylalang. Ayon sa sinabi ng ating mga pantas, “Sinabi ni Rabbi Hanania Ben Akashia, ‘Nais ng Maylalang na linisin ang Israel; kaya binigyan sila ng saganang Torah at mga Mitzvot.’”


At ito ang dahilan kung bakit tayo nagtitipon dito—upang magtatag ng isang lipunan kung saan bawat isa sa atin ay sumusunod sa diwa ng pagbibigay sa Maylalang. At upang makamit ang pagbibigay sa Maylalang, kailangan nating magsimula sa pagbibigay sa kapwa, na tinatawag na “pag-ibig sa iba.”
At ang pag-ibig sa iba ay posible lamang sa pamamagitan ng pagwawaksi sa sarili.

 

Kaya, sa isang banda, dapat maramdaman ng bawat tao na siya ay mababa, ngunit sa kabilang banda, maging proud na binigyan tayo ng Maylalang ng pagkakataong mapabilang sa isang lipunan na iisa ang layunin: na ang Shechina [Dibinidad] ay mapasa atin.


At bagama’t hindi pa natin nakakamtan ang layuning ito, mayroon tayong pagnanais na makamtan ito. At dapat din nating pahalagahan ito, sapagkat kahit nasa simula pa lang tayo ng landas, umaasa tayo na makamtan ang dakilang layunin.


Talakayan:

Aling mga termino o konsepto ang nakakalito para sa iyo o nangangailangan ng karagdagang paliwanag?

 


 

1. Ang Antas ng Tao

Ang unang konseptong lumilitaw ay "ang antas ng tao".

Sa Kabbalah, ang salitang "tao" ay mula sa salitang Hebreo na "Adam". Ang salitang Adam ay konektado sa pariralang "Edameh leElyon", na ang ibig sabihin ay "Ako ay magiging katulad ng Kataas-taasan".

Ibig sabihin, ang tunay na antas ng tao ay hindi lang basta isang tao sa pisikal na dako. Ito ay tumutukoy sa isang taong nagnanais maging katulad ng Maylalang.

Ito ang nais nating marating: na ang pangunahing pagnanasa natin ay maging kakawangis ng Maylalang, upang makamtan ang Kanyang katangian ng pagbibigay at pag-aalay.

Kaya, kapag ang Kabbalah ay tumutukoy sa "tao", ito ay tumutukoy sa isang espirituwal na antas. Ito ang antas ng isang nagnanais na mapagtagumpayan ang pagnanais na tumanggap para sa sarili at maging katulad ng Maylalang.


2. Ang Antas ng Hayop

Ang artikulo ay tumutukoy din sa antas ng "hayop".

Hindi ito tumutukoy sa mga hayop sa ating mundo. Sa Kabbalah, ang "hayop" ay isa ring espirituwal na konsepto.

Ang pagkakaiba ng "hayop" at "tao" ay madaling maunawaan.

Ang hayop ay lumalakad sa apat na paa. Ang ulo nito at katawan ay nasa parehong antas. Ito ay sumasagisag sa kalagayan kung saan ang isipan, pag-iisip, at kalkulasyon ay kaantas ng katawan, ibig sabihin kaantas ng pagnanais na tumanggap.

Sa ibang salita, walang kalkulasyon na mas mataas sa makasariling pagnanasa.

Ngunit sa antas ng tao, ang ulo ay mas mataas sa katawan. Ibig sabihin, ang isipan, kalkulasyon, at layunin ng tao ay mas mataas kaysa sa pagnanais na tumanggap.

Kaya ang "hayop" ay nangangahulugang mamuhay ayon sa likas at makasariling pagnanasa, samantalang ang "tao" ay nagsisikap lumikha ng layunin na mas mataas sa pagnanasang ito.

Ito ang dahilan kung bakit ginagamit ng Kabbalah ang mga salitang "tao" at "hayop". Hindi ito tumutukoy sa pisikal na mga tao o pisikal na hayop, kundi sa panloob na espirituwal na mga estado.


3. Ang Takot sa Maylalang

Isa pang konseptong kailangang linawin ay ang "takot".

Madalas nating naririnig ang pariralang "takot sa Diyos" o "takot sa Maylalang". Ngunit sa Kabbalah, hindi ito nangangahulugang natatakot tayo sa Maylalang, na para bang may masamang mangyayari sa atin.

Ito ay hindi karaniwang takot.

Sa mundong ito, karaniwan ang ating takot ay kaugnay ng pagtanggap. Natatakot tayong hindi makakatanggap ng isang bagay. Natatakot tayong may kulang. Natatakot tayong mawalan, magkulang, o hindi makuha ang gusto natin.

Ngunit iba ang takot sa Maylalang.

Ang takot sa Maylalang ay nangangahulugang nagsisimula nang mag-alala ang tao: “Ako ba ay nagbibigay? Ako ba’y nag-aalay? Ako ba ay tumatahak gamit ang tamang layunin?”

Sa halip na ang iniisip ay “Baka hindi ako makatanggap”, nagsisimula na siyang mag-alala: “Baka hindi ako nagbibigay”.

Ito ay tinatawag na takot sa Maylalang.

Hindi ito takot sa kaparusahan. Ito ay takot na hindi makapagbigay, hindi makaibig, hindi makalapit sa katangian ng Maylalang.


4. Pagkaiba ng Anyo sa Pagitan ng Maylalang at ng Nilalang

Ipinaliwanag din sa artikulo ang pagkakaiba ng anyo sa pagitan ng Maylalang at ng nilalang.

Ang Maylalang ay ang katangian ng pagbibigay. Siya ay nagbibigay.

Ang nilalang, sa kalikasan nito, ay may pagnanais na tumanggap.

Ito ay lumikha ng pagkakaiba ng anyo sa pagitan ng Maylalang at ng nilalang. Ang Maylalang ay nagbibigay, at ang nilalang ay tumatanggap.

Ang pagkakaibang ito ng anyo ay nagdudulot ng hiya. Napag-aralan natin ito noong tinalakay natin ang estraktura ng mga mundo.

Nakakaramdam ang nilalang na siya ay kabaligtaran ng Maylalang. Siya ay tumatanggap, samantalang ang Maylalang ay nagbibigay. Ang pakiramdam na ito ng kabaligtaran ay tinatawag na hiya.

At mula sa hiyang ito nagsisimula ang buong proseso ng pagwawasto.


5. Kahulugan ng "Mundo" at Pagtatago

Natutunan din natin na ang salitang "mundo" sa Hebreo ay "Olam". Ito ay kaugnay ng salitang "He’elem", na nangangahulugang pagtatago.

Ibig sabihin, ang Maylalang ay nakatago mula sa atin.

Hindi natin lubos na nakikita ang puwersa ng pagbibigay. Hindi natin likas na nadarama kung ano ang ibig sabihin ng mamuhay sa layunin ng pagbibigay. Hindi agad natin nakikita kung paano natin makakamtan ang katangiang ito.

Ngunit sadyang nilikha ang pagtatagong ito.

Bakit?

Upang malayang makamtan natin ang katangian ng pagbibigay.

Kung ganap na mahahayag sa atin ang Maylalang, wala tayong tunay na kalayaan. Mapipilitan tayong sumunod dahil sa ating nakikita at nadarama.

Ngunit dahil Siya ay nakatago, mayroon tayong kalayaan para pumili. Maari tayong pumili na magtayo ng kapaligiran, mag-aral, makipagtrabaho kasama ang mga kaibigan, at unti-unting makuha ang pagnanais na maging katulad Niya.


6. Kahulugan ng Mitzvot

Tinatalakay ng artikulo ang konsepto ng "mitzvot".

Karaniwan, ang salitang mitzvot ay isinasalin bilang "mga utos". Ngunit sa Kabbalah, kailangan nating maunawaan ito nang mas malalim.

Ang mitzvah ay hindi lang panlabas na utos o kilos.

Ito ay kaugnay ng mga batas ng Maylalang.

At ano ang batas ng Maylalang?

Ang batas ng Maylalang ay ang batas ng pagbibigay.

Kaya ang pagtupad ng mitzvah ay nangangahulugang pagpapalapit sa batas na ito. Ibig sabihin, inaayos natin ang ating layunin upang mas mapalapit sa landas ng pagbibigay.

Hindi ang panlabas na kilos ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang panloob na layunin.

Ang mitzvah ay nangangahulugan na ang tao ay may kakayahan, sa kahit kaunting bahagi, na sundin ang layunin ng pagbibigay.


7. Torah:  Ang Liwanag na Nagwawasto

Upang linisin ang pagnanais na tumanggap at marating ang pagnanais na magbigay, tinatalakay ng Kabbalah ang "Torah at mitzvot".

Ang Torah ay hindi lamang isang aklat. Sa panloob na kahulugan, ang Torah ay ang Liwanag na nagwawasto.

Ibig sabihin, sa pamamagitan ng tamang pag-aaral at tamang layunin, umaakit ang tao ng isang puwersang nagpapabago sa kanya.

Ang puwersang ito ay hindi lamang nagbibigay ng karagdagang kaalaman. Binabago nito ang puso. Binabago ang layunin.

At ang mitzvot ay ang mga naitamang gawa ng pagbibigay na nagiging posible bunga ng panloob na pagwawastong ito.

Karamihan sa mga gawaing ito ay gawain ng puso.

Ito ay mga pagbabago sa layunin.

Kapag nagbago ang ating layunin mula sa pagtanggap para sa sarili tungo sa pagbibigay, nagsisimula tayong maging kawangis ng Maylalang.


8. Saan Natin Isinasagawa ang Pagwawastong Ito?

Saan natin maisasagawa ang pagbabago ng ating layunin?

Pangunahing lugar ay sa grupo.

Ang grupo ay nagbibigay sa atin ng praktikal na lugar upang magtrabaho. Binibigyan tayo nito ng pagkakataon na suriin ang ating layunin para sa iba.

Ito ay tinatawag na gawain sa pag-ibig sa kapwa.

Kapag nakikisalamuha ako sa ibang tao, lalo na sa mga kaibigan sa grupo, maaari kong simulang makita ang aking tunay na layunin.

Iniisip ko ba sila?

Nais ko ba silang matulungan na umunlad?

Nais ko ba na mas maramdaman nila ang nilalaman ng teksto?

Nais ko ba silang mapalapit sa Maylalang?

O ako lang ba ang iniisip ko—ang aking sariling pag-unlad, sariling pag-unawa, sariling pakiramdam?

Dito nagsisimula ang gawain.


9. Ang Praktikal na Gawain sa Workshop

Sa kongkreto, nagsasama-sama tayo at binabasa ang artikulo.

Ngunit habang nagbabasa tayo, hindi lang layuning maunawaan ang mga salita sa isip.

Sinusuri din natin ang ating layunin.

Halimbawa:

Nagbabasa ba ako upang matulungan ang mga kaibigan kong maramdaman ang teksto?

Nakikinig ba ako upang suportahan ang koneksyon sa pagitan namin?

Sinisikap ko ba tulungan ang grupo na mapalapit sa Maylalang?

O ako lang ba ang iniintindi ko, tungkol lamang sa sariling pag-unlad?

Ito ay ilang simpleng halimbawa lamang, ngunit nagpapakita ng simula ng panloob na gawain.

Ang pangunahing punto ay hindi lamang ang panlabas na kilos. Ang pangunahing punto ay ang layunin sa likod ng kilos.


10. Tanong para sa Talakayan

Ngayon ay maaari nating itanong sa ating sarili:

Ano mula sa artikulo ang kailangan pang linawin?

Aling konsepto ang hindi pa malinaw?

Ano ang kailangan nating pag-usapan nang sama-sama upang mas maunawaan ang gawain sa grupo, ang papel ng mga kaibigan, at ang pagwawasto ng ating layunin?