Hevruta - Kasunod ng Aralin 17 - Ang Espirituwal na Kahulugan ng TANAKH (Hebrew Bible) Ayon sa Tunay na Karunungan ng Kabbalah
Hevruta - Kasunod ng Aralin 17 - Ang Espirituwal na Kahulugan ng TANAKH (Hebreong Biblia) Ayon sa Tunay na Karunungan ng Kabbalah
Mula sa mga Pinagmulan
"...ang internalidad ng karunungan ng Kabbalah ay hindi naiiba sa internalidad ng Bibliya, ng Talmud, at ng mga alamat. Ang tanging kaibahan lamang ay nasa kanilang mga paliwanag.
Ito ay katulad ng isang karunungan na naisalin sa apat na wika. Natural, ang nilalaman ng karunungan ay hindi nagbago sa kahit anong paraan dahil sa pagbabago ng wika. Ang kailangan lamang nating isipin ay kung alin sa mga salin ang pinaka-maginhawa para maiparating ang karunungan sa mambabasa."
- Baal HaSulam “Ang Pagtuturo ng Kabbalah at ang Kanyang Pinakamahalagang Nilalaman”
"Mahirap sa mga baguhan, sapagkat kanilang naaalala ang mga bagay batay sa pisikal na hangganan ng oras, espasyo, pagbabago at pagpapalit. Subalit, ginamit lamang ng mga may-akda ang mga iyon bilang mga palatandaan upang ituro sa kanilang mga itaas na pinagmulan."
- Baal HaSulam, Ang Pag-aaral ng Sampung Sefirot, Bahagi 1, Kabanata 1, Panloob na Liwanag, p.1
"Mayroong mahigpit na kundisyon habang pinagbubulay-bulayan ang karunungang ito na huwag gawing materyal ang mga bagay gamit ang imahinasyon at pisikal na usapin. Sapagkat kung gayon ay nilalabag nila ang, 'Huwag kang gagawa para sa iyong sarili ng rebulto o anumang larawan.'
Sa ganitong kalagayan, mas napipinsala ang isang tao kaysa sa tumatanggap ng pakinabang."
- Baal HaSulam, "Panimula sa Pag-aaral ng Sampung Sefirot", Liham 156
Ang Wika ng mga Sanga
Pinili ng mga Kabbalist ang isang natatanging wika na tinatawag na "wika ng mga sanga". Ang dahilan sa likod ng pagpiling ito ay dahil lahat ng umiiral sa ating mundo (walang-buhay, halaman, hayop, at tao sa kalikasan) lahat ng nangyari sa kanila noon, nangyayari ngayon, at mangyayari pa sa hinaharap, ibig sabihin, lahat ng bagay gayundin ang kanilang pamamahala ay nagmumula sa Maylalang at dumaraan sa lahat ng espirituwal na mundo bago lumitaw sa atin. Ang pamamahala ng lahat ng ito ay patuloy na ina-update mula itaas pababa sa ating mundo.
Lahat ng umiiral sa ating mundo ay may pinagmulan sa Itaas na mundo, na unti-unting bumababa sa ating mundo. Dahil nagmumula sa Itaas na mundo ang lahat ng bagay dito, may mahigpit na ugnayan sa pagitan ng mga bagay sa ating mundo, kanilang mga bunga, sanhi, at pinagmulan sa espirituwal na mundo.
Ang mga Kabbalist na natutukoy ang mismong ugnayang ito, na kitang-kita ang itaas na bagay (ugat na pinagmumulan ng lahat) at ang mababang bagay sa ating mundo (na tumatanggap mula sa Itaas – pinagmulan at nagpapatakbo ng lakas –) nang hindi nila namamalayan, ay natutukoy nang tiyak ang bawat ugnayan. Dahil dito, maaari nilang tawagin ang mga ugat sa Itaas na mundo sa pangalan ng kanilang pisikal na bunga, ibig sabihin, ang mga sanga sa ating mundo. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag na "wika ng mga sanga" at hindi "wika ng mga ugat" ang wikang ito. Ang mga ugat ay tinatawag ayon sa pangalan ng kanilang mga sanga at hindi kabaligtaran. Dahil dito, natuklasan ng mga Kabbalist ang wikang gamit ang mga salitang araw-araw ay naipapaliwanag nang eksakto ang espirituwal na mundo. Walang ibang wika na maaaring gamitin dahil wala nang ibang terminong nauunawaan ng mga umiiral sa parehong mundo. Kaya, upang ilarawan ang Itaas na mundo, kinukuha ng mga Kabbalist ang pangalan ng ating mundo at ginagamit ito upang ilarawan ang mga bagay sa Itaas, ang mga ugat ng ating mundo.
Gayunpaman, kung hindi mo alam ito, tila ang isang aklat ng Kabbalah ay naglalaman lamang ng kuwento tungkol sa ating mundo. Ang mga salitang ito ay hindi nagpapalito sa isang Kabbalist na malinaw na nakikita ang tunay na pinag-uusapan ng aklat. Alam niya nang eksakto kung aling sangay (ibig sabihin, bunga) sa ating mundo ang tumutugma sa ugat nito sa Itaas na mundo.
Halimbawa, ang "Jerusalem" sa literatura ng Kabbalah ay hindi tumutukoy sa pisikal na lungsod, kundi sa ilang espirituwal na pwersa at konsentrasyon ng tiyak na espirituwal na enerhiya, na may natatanging lugar sa sistema ng mga espirituwal na mundo. Bukod dito, ang mga bahagi ng katawan ng tao sa Kabbalah tulad ng "Rosh" (ulo), "Guf" (katawan), "Chaze" (dibdib), "Peh" (bibig), "Einaim" (mata), at iba pa, ay tumutukoy sa kanilang mga espiritual na ugat. Ang salitang "Rosh" ay tumutukoy sa bahaging nagpapasya ng espiritual na bagay, habang ang "Guf" ay tumutukoy sa konsentrasyon ng mga gawaing pangpagpapatupad.
Sa Pasimula - Beresheet
Sa pasimula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. At ang lupa ay walang hugis at walang laman, at ang dilim ay sumasaklaw sa ibabaw ng kalaliman; at ang espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng tubig. At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag.’ At nagkaroon nga ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag, na ito ay mabuti; at pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at ang kadiliman ay tinawag Niyang Gabi. At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, unang araw.
Ang Bereshit (Genesis), ang unang kabanata ng Torah (Pentateuch) ay nagsisimula sa mga salitang ito. Nagbibigay ito ng isang tiyak na larawan. Narinig na natin ang iba't ibang mga interpretasyon ng mga salitang ito sa antas ng Peshat (literal na kahulugan). Gayunman, ang mga simpleng interpretasyong ito ay nag-iiwan ng napakaraming katanungan; kulang ito sa lohika at sa siyentipikong lapit. Ipinaliwanag ito ng mga Kabbalist nang ganito:
Lahat ng banal na aklat ay tumatalakay lamang sa espirituwal na mundo, kung paano ito nilikha, at kung paano nilikha ang ating mundo mula rito. Higit pa rito, hindi lang ito nagsasabi tungkol sa mga umiiral ngunit tinuturuan din nito ang isang tao na makita ang mundo iyon.
Ang unti-unting pagpapahayag ng Itaas na mundo ay tinatawag na espirituwal na pag-akyat ng tao, o mga baitang ng espirituwal na pag-angat. Maraming teknikong ginagamit sa mga aklat upang ilarawan ang espirituwal na mundo. Ang Kabbalah ay ang agham tungkol sa estruktura ng Itaas na mundo; ginagamit nito ang wika ng Sefirot, Partzufim, mga grap at likhang larawan upang ilarawan ito. Inilalarawan ng Torah ang Itaas na mundo gamit ang simpleng pang-araw-araw na wika. Mayroon ding alegorikal na wika at wika ng mga batas. Ngayon, susubukan nating isalin ang wika ng Torah sa Kabbalistic na wika.
Ang Torah ay nagsusulat hinggil sa pag-usbong ng Itaas na mundo, sa estruktura at ebolusyon nito at pagkatapos ay inilalarawan ang proseso ng ating paglikha. Subalit hindi ito tungkol sa tao ng ating mundo. Ang Torah ay tumatalakay sa paglikha ng kagustuhang tumanggap (tinatawag na Kaluluwa o Adam) na may layuning punuin ang creation-desire-soul ng walang hanggan at ganap na ligaya. Ang kagustuhan na ito ay ang tanging likha. Maliban dito ay ang Maylalang lamang. Kaya lahat ng bagay maliban sa Maylalang ay pawang iba't ibang sukat ng kagustuhang tumanggap ng kasiyahan.
Ganon din ang nangyayari sa ating mundo. Ang tanging naghihiwalay sa lahat ng bagay ay ang magkakaibang antas ng kagustuhang tumanggap ng kasiyahan, na siyang nagtatakda ng lahat ng katangian ng bawat nilalang. Ang kagustuhang ito ay may limang antas, at ang limang bahaging ito ng kagustuhan/lalang ay tinatawag na Sefirot: Keter, Hochma, Bina, Tifferet, at Malchut. Nais ng Maylalang na ganap na punuin ng kasiyahan ang nilikha hanggang sa maramdaman nito ang perpeksiyon at kawalang-hanggan. Ito ay dahil ang Maylalang mismo ay umiiral sa estadong ito, at nais Niya itong ibahagi sa atin.
Ang Maylalang ay perpekto at nag-iisa. Dahil siya ay perpekto, nais niyang igawad ang perpeksiyon, ang kanyang sariling kalagayan sa Kanyang mga nilalang. Ito ang dahilan kung bakit ang layunin ng paglikha ay maabot ang perpeksiyon ng Maylalang, at makayanan natin na tanggapin na nais ibigay ng Maylalang.
Hindi tinatalakay ng Kabbalah ang mga nagaganap sa ating mundo. Sinusuri nito ang mga pangyayari sa Itaas na mundo, na pinagmumulan ng lahat ng kapangyarihang bumaba sa ating mundo at nagbubunsod ng lahat ng nangyayari dito. Sa pag-aaral ng Kabbalah, natutunan ng tao na makita ang Itaas na mundo. Nagiging kayang maarok ng tao ang Maylalang at ang paraan ng Kanyang paglikha sa espirituwal na mundo. Sa Kabbalah, tinatawag itong "Unang araw ng Paglikha". Sa mga sumunod na kilos ng Maylalang (tinatawag na mga sumunod na araw), nilikha ng Maylalang ang mga kapangyarihan ng pamamahala sa Itaas na mundo. Ang huli, ikaanim, na gawa ng Maylalang (ikaanim na araw ng paglikha) ay ang paggawa kay Adam.
Dahil si Adam ang huling gawa ng Maylalang, siya ang layunin ng buong paglikha. Lahat ng nilikha bago siya ay nilikha para sa kanya. Ano ang tadhana ni Adam? Dapat niyang marating ang pagkakatulad sa Maylalang, maging ganap na katulad Niya, at siya mismo ang mamuno sa buong pag-iral at sa kanyang sariling tadhana. Higit pa, tayo ay obligado na abutin ang pinakamataas at perpektong katayuan nang kusa. Upang maabot ito nang kusa, kinakailangan na una ay maranasan natin ang pinakamasamang kalagayan (salungat sa kalagayan ng Maylalang), at pagkaraan ay bumangon mula dito sa sariling kagustuhan.
Sa tulong ng Kabbalah, nakikita ng tao ang parehong mga mundo - ang ating mundo at ang Itaas na mundo - pati na rin ang ugnayan sa pagitan ng mga ito. Ang impormasyon ay nagmumula sa Itaas na mundo at nagiging materya sa ating mga mata. Ang ating reaksyon dito (na bumababa mula sa itaas bilang impormasyon), ay umaakyat muli patungo sa Itaas na mundo at nagtatakda kung paano (mabuti o masama) ang ating hinaharap ay bababa at magiging totoo. Kaya naman, ang Maylalang (na umiiral sa pinakataas na antas), ay nilikha ang nilikha mula sa katangiang kabaligtaran Niya. Pinuno Niya ito ng liwanag, at nang lumaon ay inalis Niya ang liwanag doon, ibinaba ito sa kalagayan ng "ating mundo".
Sa pag-akyat ng mga baitang ng espirituwal na hagdan, ang nilikha ay nagiging karapat-dapat ng pagtanggap ng kasiyahan na mas marami pa kaysa natamasa nito bago bumaba sa mundong ito. Higit pa rito, kailangan ng nilikha na magkaroon ng lakas at pagkakataong kumilos ng malaya sa pagitan ng dalawang magkasalungat na puwersa, ang kanyang sariling pagkamakasarili at ang Maylalang, at saka malayang pinipili at tinatahak ang landas nito.
Upang ilagay ang mga kundisyong ito sa kakayanan ng nilikha, kailangang gawin ng Maylalang ang mga sumusunod:
-
Ganap na ilayo ang nilikha sa Kanya
-
Bigyan ito ng pagkakataong umunlad at maabot ang Ugnayan na ito,
-
Bigyan ito ng pagkakataon ng malayang pagpili
Ibinibigay sa atin ng Maylalang ang mga kundisyong ito nang dahan-dahan. Sa simula, ang nilikha na ramdam ang Maylalang (napupuno ng liwanag) ay hindi malaya. Ganap itong pinangungunahan ng liwanag at ang liwanag ang nagtatakda ng mga alituntunin nito at inihahawa ang mga katangian nito. Upang gawing malaya ang nilikha mula sa Maylalang, kailangan Niyang ganap na alisin ang Kanyang sarili. Sa madaling salita, ang nilikha, na pinalaya ang sarili mula sa liwanag, ay nakakamit ang kalayaan sa pagkilos. Ang paglabas ng liwanag mula sa espirituwal na Kli (sisidlan) ay tinatawag na Paghihigpit.
Nagsisimula ang Torah sa mga salitang "sa pasimula" (Bereshit), na siyang simula ng proseso ng paglalayo ng Maylalang mula sa nilikha. Ang salitang "Bereshit" ay mula sa salita na "Bar" – "labas". Ibig sabihin, ikinukuwento nito ang paglabas mula sa Maylalang tungo sa isang hiwalay na kalagayan, sa pagitan ng langit at lupa. "Sa pasimula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa." Ang Langit ay Sefira Bina na may mga makataong katangian. Ang Lupa ay Sefira Malchut na may makalupang, makasariling katangian. Sa pagitan ng dalawang magkasalungat na katangiang ito, na bumubuo ng pundasyon ng buong sistema ng pag-iral, namamayani ang ating kaluluwa.
Nagsisimula ang Torah sa pagkapanganak ng nilikha, Itaas na mundo at pagkagawa ng tao. Hindi ito nagsisimula sa wakas ng nilikha. Ang tungkulin ng Torah ay bigyan ang mga tao ng gabay kung paano aangat tungo sa pinakamahusay at pinakaperpektong kalagayan. Sa panimulang kalagayan, ang nilikha (ang kaluluwa o Adam) ay hindi pa perpekto. Kailangan nitong itama ang sarili at abutin ang kalagayan ng "Huling Pagwawasto". Isipin na mayroon kang sirang kasangkapan na kailangan mo sa trabaho. Nangangahulugan ito na kailangan mo munang ayusin ito, at gamitin lamang pagkatapos. Kaya't itinuturo ng Torah kung paano ayusin ang sirang kasangkapang ito: ang kaluluwang tinanggap natin mula sa itaas.
Sa proseso ng pagwawasto, ang isang tao ay umiiral sa pagitan ng dalawang mundo: ng itaas at ibaba. Sa proseso ng pagwawasto, natatamo ng kaluluwa ang nararapat na kasanayan, kaalaman, at karanasan. Higit sa lahat, nakakamit ng isang tao ang mga bagong pakiramdam at bagong, espirituwal na mga katangian. Kapag naitama ng isang tao ang kanyang kaluluwa nang ganap, napapalago niya ang mga katangian na nagpapahintulot sa kanya na umiral sa Itaas na mundo nang buo; sa kawalang-hanggan, kapayapaan, at perpeksiyon.
Hindi inilarawan ng mga Kabbalistikong sanggunian, o ng Torah ang natatanging kalagayan na ito. Hindi ito mailalarawan, sapagkat wala itong katumbas sa ating lengguwahe. Tanging yaong mga nakalampas sa lahat ng paunang estado ng pagwawasto at umabot sa Huling Pagwawasto ang nakakamit ng estadong ito. Anuman ang higit pa sa Huling Pagwawasto ay hindi na inilalarawan saanman. Dito nagkukubli ang "Mga Lihim ng Torah".
Ilan lamang ang mga pahiwatig sa mga aklat tulad ng "The Zohar" at Talmud. Ang mga natatanging estadong ito ay tinatawag na "Maase Merkava" at "Maase Bereshit". Ngunit ito ay pawang mga pahiwatig lamang. Sa katotohanan, ang mga estadong ito, espirituwal na dimensiyon ay hindi mailalarawan sa salita, dahil ang mga salita, titik, at termino natin ay kinuha mula sa ating sariling sistema ng Pagwawasto at epektibo lamang dito. Tayo ay ganap na walang kamalay-malay sa kung ano ang umiiral lampas sa ating sistema ng Pagwawasto, at hindi ito maisasalin sa wika ng tao o mapasok sa ating sistema ng mga depinisyon at paniniwala.
"Sa pasimula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa" ay tumutukoy sa paggawa ng dalawang katangian: pagkamakasarili at pagmamalasakit. Ang makasariling katangian ng "lupa" ay kinokorek ng tulong ng mapagbigay na katangian ng "langit". Ang proseso ng pagwawasto ay binubuo ng pitong antas, na tinatawag na "pitong araw ng paglikha". Natural, ito ay isang kondisyong pangalan lamang. Wala itong kaugnayan sa pitong araw sa lupa; hindi ito tumutukoy sa araw at gabi o sa liwanag at dilim sa lupa. Sa halip, ito ay tumutukoy sa espirituwal na mga estado at damdamin ng isang taong dumaraan sa mga yugto ng pagwawasto. Tinutukoy nito ang sistemang kung saan ang kaluluwa ng isang tao ay kinokorek habang umiiral sa antas na tinatawag na "lupa".
Kailangan itaas ang kaluluwa mula sa antas ng Sefira Malchut tungo sa antas ng Sefira Bina. Ibig sabihin, ang makasariling katangian ng Malchut ay kailangang gawing mapagbigay na katangian ng Bina. Ito ay matutugunan sa pamamagitan ng pitong magkasunod na pagwawasto na tinatawag na "pitong araw ng linggo". Ipinapaliwanag ng Torah kung anong dapat nating gawin para sa ating kaluluwa "bawat araw".
Unang Araw
Sa pasimula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. At ang lupa ay walang hugis at walang laman, at ang dilim ay sumasaklaw sa ibabaw ng kalaliman; at ang espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng tubig. At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag.’ At nagkaroon nga ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag, na ito ay mabuti; at pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at ang kadiliman ay tinawag Niyang Gabi. At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, unang araw.
Ano ang ibig sabihin ng: “at pinaghiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman”? Sa ating pagwawasto ay dapat sundan natin ang mga gawa ng Maylalang. Kaya, ang pinakaunang utos na dapat nating tupdin ay ayusin sa ating sarili ang ating mga kaisipan at hangarin upang makita kung alin sa mga ito ang dalisay – “langit” at alin ang madilim – “lupa”. Ang prosesong ito ay tinatawag na “Akarat haRa” (pagkilala sa kasamaan). Nangyayari ito kapag mula sa pag-aaral ng mga aklat ng Kabbalah at mula sa mga ugnayan sa Kabbalistikong grupo ay sinisimulan nating suriin ang ating mga katangian. Ang pagtutuos ng espiritu at makamundong mga katangian laban sa isa’t isa, at paghihiwalay at pagkakabukod ng isa’t isa, ay siyang bumubuo sa unang hakbang patungo sa pagwawasto. Ito ang unang araw ng tao sa paglikha ng Tao sa sarili niya.
Pangalawang Araw
At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng kalawakan sa gitna ng tubig, at paghiwalayin nito ang tubig mula sa tubig.’ Gayon nga ang ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan mula sa tubig na nasa itaas ng kalawakan. At tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit. At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ikalawang araw.
Matapos nating maibukod sa sarili natin ang makasarili at mapagbigay na mga katangian, kailangan nating simulang itama ang mga ito. Ginagawa ito sa pamamagitan ng espesyal na liwanag ng Maylalang, na nagpapalabas ng dalawang uri ng liwanag: liwanag ng Hochma at liwanag ng Hassadim. Gamit ang katangian ng liwanag ng Hassadim (awa), na tinatawag na “tubig”, natututuhan natin ang katangian ng pagbibigay, ng altruismo.
Ang “lupa” ay ang makasariling katangian ng pagtanggap at pagsaklaw ng lahat ng bagay sa loob, ito ang ating likas na kalikasan. Ang tubig ay katangian ng pagbibigay, at ito ang nagpapasigla sa lupa at nagdudulot ng oportunidad para sa buhay. Ang katangian ng pagbibigay ay tumutulong na itama ang pagkamakasarili at nagbibigay-daan upang magamit ito nang tama, para sa sariling kapakinabangan at para sa kapakanan ng iba. Sa egoismong itinatama ng pagbibigay, nararamdaman ang Itaas na Salita (ang Maylalang) at nakikita ang naging mga buhay at ang landas patungo sa layunin ng paglikha. Ang kaluluwa ay walang hanggan at lumilipat sa katawan-katawan. Kaya dito mismo nakikita ang mga nakaraang reinkarnasyon. Ang hindi pa nakokorek na kaluluwa ay hindi kayang makakita ng mahigit pa sa mundong ito.
Ikatlong Araw
At sinabi ng Diyos, ‘Tipunin ang tubig sa ilalim ng langit sa isang dako, at lumitaw ang tuyong lupa.’ Gayon nga ang nangyari. At tinawag ng Diyos ang tuyong lupa na Lupa, at ang pagtitipon ng mga tubig ay tinawag Niyang Dagat; at nakita ng Diyos na mabuti. At sinabi ng Diyos, ‘Maglabas ang lupa ng damo, halamang nagbubutil, at punong namumunga na nagdadala ng bunga ayon sa kanikaniyang uri, na may binhi sa ibabaw ng lupa.’ At gayon nga ang nangyari. At naglabas ang lupa ng damo, halamang nagbubunga ayon sa kanikaniyang uri, at punong namumunga ayon sa kanikaniyang uri; at nakita ng Diyos na mabuti. At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ikatlong araw.
Ang tubig ay pinagsama sa ilalim ng langit at lumitaw ang tuyong lupa. Bahagi ng unang Lupa ay lumilitaw mula sa tubig. Pagkatapos maitama ng tubig ang lupa, nagiging angkop na para mabuhay, sapagkat ang lupa ngayon ay naglalaman na ng mga katangian ng tubig at ng lupa. Ang tubig lamang ay kasing mapaminsala ng buhay gaya ng tuyong lupa. Alalahanin kung paanong nagpadala ng kalapati si Noe mula sa arka upang maghanap ng tuyong lupa. Ang wastong kombinasyon ng mapagbigay at makasariling mga katangian ng “langit” at “lupa” sa loob ng kaluluwa ng tao ang bumubuo ng pundasyon para sa pagwawasto at aplikasyon ng mga katangian ng Maylalang sa loob ng tao.
Ang pagwawastong ito ay tinatawag na “Kav Emtzai” (gitnang linya). Ang ating likas na makasariling kalikasan ay tinatawag na lupa at kumakatawan sa kaliwang linya. Ang kanang linya ay kumakatawan sa mga katangian ng Maylalang, ibig sabihin, ang mga katangian ng tubig, altruismo, o pagbibigay. Ang gitnang linya ang siya mismong kailangan ng tao na hangarin, ibig sabihin, “piliin ang buhay”. Sa madaling salita, kailangan kumuha ng sapat na “tubig” upang paghaluin ito sa “lupa” upang mag-ambag ang dalawang linyang ito at magbunga. Sa kombinasyong ito ng mga katangian, isinilang ng lupa ang “Punong-kahoy ng Buhay” na kumakatawan sa espirituwal na taong may kakayanang madama ang buong paglikha at mabuhay sa lahat ng mundo nang maligaya at walang hanggan.
Tayo ay namumuhay nang walang hanggan sapagkat nakikipag-isa tayo sa walang-hanggang kaluluwa at hindi sa pansamantalang katawan. Nagsisimula tayong maramdaman ang ating sarili bilang kaluluwa, at tinitingnan ang ating katawan bilang isang pansamantalang kaluban. Ang pagbabagong ito patungo sa pakikilanlan bilang kaluluwa at hindi bilang katawan ay purong sikolohikal at nangyayari habang nakukuha ng tao ang katangian ng Bina.
Ang karaniwang kaluluwa ay nilikha mula sa kagustuhang maging masaya at magtamasa ng ligaya, o simpleng, “kagustuhang tumanggap.” Ang kagustuhan ay siyang ubod ng kaluluwa, at naaapektuhan ito ng anim na katangian: Hesed, Gevura, Tifferet, Netzah, Hod, at Yesod. Ang mga katangiang ito ay sumanib sa substansya—ang kagustuhang tumanggap—at inanyuan ito ayon sa itaas na puwersa, ang Maylalang. Ang dahilan kung bakit tinawag ang tao na “Adam” ay dahil ito ay mula sa Adamah, mula sa bersong, Adameh la Elyon ("Ako ay magiging katulad ng pinakamataas," Isaias, 14:14). Ito ay tumutukoy sa pagkakatulad ni Adam sa Maylalang—ang napakadakilang pagbibigay, napakadakilang pagmamahal—ang itaas na puwersang nagbigay-buhay sa kanya.
Si Adam ay ang estruktura ng kaluluwa na kapareho ng anyo ng Maylalang, at nasa Dvekut (pagdidikit) sa Kanya sa Hardin ng Eden. Ang hardin ay nangangahulugang “kagustuhan,” at ang hardin ay bahagi ng nilikha, substansya ni Adam—ito ay ang kagustuhang tumanggap. Ang Eden ay sumasagisag sa antas ng pagbibigay, antas ng Bina. Si Adam, na nasa antas ng Bina, ay nasa Hardin ng Eden.
Ang Beresheet (sa pasimula) ay nangangahulugang nilikha ng Maylalang ang anim na katangian at ang tao. Sa tao ay nakapaloob ang lahat ng mga katangiang kinakailangan upang maging katulad ng Maylalang. Sa katunayan, ito ang gawain ng Paglikha—ang buuin ang substansya, ang kagustuhang tumanggap. Ang mga katangiang ito ay sumasanib sa kagustuhang tumanggap upang ang estruktura bilang kaluluwa ay maabot ang kalagayan ng Maylalang.
Ikaapat na Araw
At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng mga ilaw sa kalawakan ng langit upang paghiwalayin ang araw mula sa gabi; at upang maging mga tanda, at para sa mga kapanahunan, at para sa mga araw at mga taon; at upang maging mga ilaw sa kalawakan ng langit upang magbigay liwanag sa lupa.’ At gayon nga ang nangyari. At nilikha ng Diyos ang dalawang malaking ilaw: ang mas maliwanag na ilaw upang pamunuan ang araw, at ang mas kaunting ilaw upang pamunuan ang gabi; at ang mga bituin. At inilagay Niya ang mga ito sa kalawakan ng langit upang magbigay liwanag sa lupa, at upang pamunuan ang araw at gabi, at upang paghiwalayin ang liwanag mula sa dilim; at nakita ng Diyos na mabuti. At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ikaapat na araw.
Sa ikaapat na araw, lumitaw ang liwanag sa kalawakan ng langit bilang tanda ng paglipas ng araw at gabi, mga buwan, at taon. Ang pagwawasto ay nagaganap kahit sa pinakamaliit na bahagi ng sansinukob at pati na rin sa buong sansinukob nang pangkalahatan. Ang paglikha sa kabuuan nito ay tinatawag na Adam o Kaluluwa; ang mga bahagi nito ay tinatawag na mga indibidwal na kaluluwa, o “Bnei Adam” (mga anak ni Adam). Bawat indibidwal na kaluluwa ay dumadaan din sa parehong yugto ng pagwawasto na dinaranas ng karaniwang kaluluwa.
Ikalimang Araw
At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon sa tubig ng mga buhay na nilalang na nagsisiksikan, at mga ibong lilipad sa ibabaw ng lupa sa kalawakan ng langit.’ At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at bawat nilalang na gumagapang, na nagmumula at nagsisiksikan sa tubig, ayon sa kanikaniyang uri, at bawat ibong may pakpak ayon sa uri nito; at nakita ng Diyos na ito ay mabuti. At pinagpala Niya ang mga ito, na sinasabi: ‘Magpakarami kayo at punuin ang tubig sa dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa.’ At nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga, ikalimang araw.
Inilalarawan sa aklat ng Zohar na bawat araw ay pagtatayo ng “Eichalot” (mga tahanan sa langit), ang pagtatayo ng espasyo (kagustuhan). Habang napapabuti ang mga makasariling katangian ng kaluluwa patungo sa pagiging mapagbigay, unti-unti itong napupuno ng Itaas na liwanag. Ang mga taong nakaranas ng klinikal na kamatayan ay bahagyang nakadama ng Itaas na liwanag na ito, at ikinuwento na nakaranas sila ng isang kakaibang napakagandang kakaibang pakiramdam ng kapayapaan at ligaya. Ang unti-unting pagpuno sa mga espasyong ito ay patungo sa estadong Huling Pagwawasto at perpeksiyon ng lahat ng kaluluwa. Walang oras sa Itaas na mundo sapagkat nawawala na ang panahon dahil perpekto na ang bawat estado. Ganon din sa salaysay ng Torah: walang paghihiwalay ng oras at ang lahat ng pangyayari ay konektado lamang ayon sa kaugnayan ng sanhi-at-bunga. Makikita natin na si tao ay nilikha sa ikaanim na araw at tumagal lamang ng ilang oras bago magkasala at mahulog patungo sa mas mababang mundo. Kasama niyang nahulog ang buong mundo.
Ikaanim na Araw
At nilikha ng Diyos ang tao ayon sa Kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos nilikha Niya siya;... at sinabi sa kanila ng Diyos:... nagpuno sa inyo ng kapangyarihan ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat bagay na gumagapang sa ibabaw ng lupa.'
Ano ang ibig sabihin ng “ayon sa Kanyang sariling larawan”? Sa Torah, ang salin ng “ayon sa Kanyang sariling larawan” ay “Be Tselem Elokim Bara…”. “Tselem” ay tumutukoy sa bahagi ng Bina, na bumababa mula sa Bina patungo sa kaluluwa at ipinalalaganap dito ang mga katangian ng Maylalang. Sa madaling salita, Partzuf Bina ay kumakatawan sa instrumento ng Itaas na Pamamahala, na siyang nagbibigay-gabay sa lahat ng kaluluwa, sa kanilang landas, at ayos ng pagwawasto. Lahat ng nangyayari sa atin ay may pinagmulan sa Bina. Malchut ang koleksyon ng lahat ng kaluluwang kailangang iwasto. Upang maayos si Malchut, may espesyal na instrumentong nagmumula sa Bina. Ito ay pumapasok sa Bina at nagpapahintulot na mapabuti siya. Ang sistemang ito ng pagpapabuti sa sarili, na tinatanggap ng Malchut ng bawat kaluluwa mula sa itaas, ay tinatawag na “Tzelem” – “larawan”. Ibig sabihin nito ay isang koleksyon ng mga katangian, larawan ng Maylalang.
Kung walang impormasyon tungkol sa programang ng paglikha, at walang pakiramdam sa espirituwal na mundo, hindi natin alam kung paano kikilos, anong hakbang ang gagawin. Hindi natin nauunawaan kung anong inaasahan sa atin. Para magkaroon tayo ng kinakailangang paraan para umunlad, kailangan turuan tayo ng antas sa itaas, ang Bina, tungkol sa dapat nating gawin. Ito ang ginagawa ng Tselem (ang pansamantalang instrumentong bumababa mula sa Bina) sa loob natin. Ito ay nagtatanim ng sarili nito sa ating kaluluwa at nagpapasimula ng lahat ng uri ng kinakailangang pagwawasto. Kaya sinasabi na ang Tselem ay tumutulong upang tayo ay maging isang Tao.
Sa ikapitong araw, patuloy na umangat ang tao. Gumawa siya ng anim na pagwawasto sa sarili: Hesed, Gevura, Tifferet, Netzach, Hod, Yesod. Ang anim na magkasunod na pagwawastong ito ay tinatawag na anim na araw o anim na libong taon ng paglikha. Ang huling Sefira (ibig sabihin ay Malchut) ay hindi kayang iwasto ang sarili. Subalit pagkatapos tanggapin ni Malchut ang mga katangian ng anim na naunang Sefirot, nagiging kaya na nitong tanggapin ang mga katangiang ito. Ito ang dahilan kung bakit ang esensiya ng ikapitong araw ay ang lahat ng naipon at nalikha sa loob ng anim na araw ay pumapasok kay Malchut. Ang Sabado ay itinuturing na natatanging araw, dahil sa estadong ito ang mga kaluluwa ay napupuno ng itaas na liwanag. Ang tanging kondisyon ay “huwag hadlangan” ang prosesong ito - kaya ito ay sinisimbolo bilang araw ng pamamahinga.
Tanong: Maaari ba nating impluwensyahan ang mga prosesong ito, “pabilisin” ang oras, at paikliin ang landas natin patungo sa layunin ng paglikha?
Ang tanging magagawa natin ay pabilisin ang prosesong itinakda sa atin mula sa itaas na tumatagal ng pitong libong taon. Yaong maaring makalapit nang indibidwal, ay pumapasok sa Itaas na mundo at kumpleto ang realidad nang mas maaga. Higit pa rito, ang mismong landas ng pagwawasto (kapag ginampanan nang kusa sa pamamagitan ng sariling pagsisikap), ay nararamdaman bilang pagmumuni o romantikong hangarin at hindi bilang patuloy na dagok ng kapalaran.
Pinag-aaralan natin ang estruktura at galaw ng buong pag-iral upang malinaw na maunawaan kung paano makikialam at mamamahala sa prosesong ito. Sa pangkalahatan, hindi direktang nailalapat ng tao ang impluwensya sa kanyang pinagmulan/ugat. Siya ay umiiral sa mababang antas bilang bunga ng itaas. Subalit, sa pamamagitan ng pagwawasto sa sarili at pagiging katulad ng ating ugat, nagbabago ang ating panloob na damdamin ukol sa mga natatanggap natin mula sa itaas. Sa halip na mga hampas ng tadhana, patuloy na problema, at mga pang-araw-araw na paghihirap, nagsisimula tayong makaranas ng kasiyahan, kapayapaan, perpeksiyon at ganap na kaalaman. Dinala tayo ng Maylalang sa mundong ito upang, gamit ang Kabbalah, matutunan natin ang Itaas na mundo at simulang pamahalaan ang ating sariling kapalaran.
Sa kabutihang-palad, ang oras ay pumapabor sa atin. Papalapit na ang panahon ng panloob–espirituwal at panlabas-pisikal na pagtubos para sa buong sangkatauhan, ayon sa Paunang Salita sa “Aklat ng Zohar”. Kung ang tao ay hindi kayang umiral sa ating mundo nang walang kahit anong kaalaman ukol dito, katulad nito, ang kaluluwa ng tao pagkatapos ng kamatayan ng kanyang katawan ay hindi kayang umiral sa Itaas na mundo nang hindi nakakamit ng paunang kaalaman dito. Kaya't tinitiyak ng kaalaman ng Kabbalah ang komportableng pag-iral sa ating mundo at nagkukumpirma ng walang hanggan at perpektong pag-iral sa hinaharap na mundo.
Talasalitaan
Beresheet
Ang Beresheet (sa pasimula) ay nangangahulugang nilikha ng Maylalang ang anim na katangian at ang tao. Sa tao ay nakapaloob ang lahat ng mga katangiang kinakailangan upang maging katulad ng Maylalang. Sa katunayan, ito ang gawain ng Paglikha—ang buuin ang substansya, ang kagustuhang tumanggap. Ang mga katangiang ito ay sumasanib sa kagustuhang tumanggap upang ang estruktura bilang kaluluwa ay maabot ang kalagayan ng Maylalang.
Ang Shabbat (Sabado)
Ito ang Huling Pagwawasto ng Tao, kapag siya ay bumalik sa Hardin ng Eden. Isa itong kalagayan kung saan nagsasanib tayong muli bilang isang kaluluwa.
Ang Hardin ng Eden
Sa Hardin ng Eden, tayo ay nasa kapwa pagbibigay, sa ganap na kapwa garantiya. Ang Mundo ng Atsilut.
Ang Punong-kahoy ng Kaalaman
Ang “Punong-kahoy ng Kaalaman” ay ang pinakadakilang liwanag. Ito ay natanggap noon upang tumanggap, kaya naging dahilan ng pagkabiyak ng kaluluwa. Sa hinaharap, tatanggapin natin ang liwanag na ito, ngunit may layuning magbigay.