Hevruta - Sumunod sa Aralin 16 - Artikulo tungkol sa Kapayapaan
Hevruta - Kasunod ng Aralin 16 - Artikulo tungkol sa Kapayapaan
Bnei Baruch Kabbalah Academy - Global Course 2025/2026
Ang Kapayapaan
Ni Rav Yehuda Ashlag (Baal Hasulam)

Artikulo: Ang Kapayapaan:
(Isang empirikal, siyentipikong pag-aaral tungkol sa obligasyon sa gawa ng Maylalang)
Matapos ipakita sa mga naunang artikulo ang pangkalahatang anyo ng Kanyang gawain, na ang diwa ay walang iba kundi ang pag-ibig sa kapwa, na praktikal na tinutukoy bilang “pagpapaginhawa sa iba,” ibig sabihin, ang aktuwal na pagpapakita ng pag-ibig sa kapwa ay ang pagbibigay ng kabutihan sa iba, kung kaya’t dapat tukuyin ang pag-ibig sa kapwa bilang pagpapaginhawa sa iba, na siyang akma sa nilalaman nito, upang siguraduhin na hindi natin makalimutan ang layunin.
Ito ang simula ng artikulo.
Naglalaman ito ng ilang mga tanong:
Kung ito ay ukol sa gawain ng Maylalang, bakit tinatawag itong kapayapaan? Bakit ito ay gawain? Bakit natin kailangan ang gawaing ito? Malaya ba tayong hindi gawin ang gawaing ito? Bakit tinatawag ni Baal HaSulam itong isang obligasyon?
(Talakayan o Mga Tanong)
Paliwanag ni Michael Laitman
Ang mga Kabbalista ay mga tao na tumagos lampas sa materya at natuklasan ang mga batas na gumagana dito. Wala silang anumang paunang paghahanda o kaalaman; ang pagnanais na malaman ang diwa ng buhay ang nagtulak sa kanila para sa panuklas na ito.
Maaaring itulad ang pagkapukaw ng mga batas na lampas sa materya sa pagsusuri ng likod ng isang pinagtagni-tagning larawan.
Sa harap, lumilitaw ang isang malinaw na larawan, habang sa likod ay magulo ang mga sinulid at tila walang kabuluhan. Ang pagtuntong lampas sa hangganan ng materya ay nagbubunyag sa tao ng sistema ng mga ugnayan at mga batas na nag-uugnay at nagpapagalaw sa materya. Lahat ng mga puwersang nagpapagalaw sa materya ay nagsasama-sama sa iisang puwersa, na tinatawag ng mga Kabbalista na “kalooban na magbigay” o “pagpapaginhawa.” Ganito ang kalikasan ng puwersang ito; ganito ito naabot ng mga Kabbalista.
Lahat ng detalye ng realidad ay nasasaklaw sa puwersa ng pagbibigay na kumikilos sa lahat ng realidad—maging tao, kaluluwa, anghel, o anupamang elemento.
Mula dito nagmumula ang isang simpleng batas: ayon sa antas ng pagkakatulad ng anyo ng alinmang elemento ng realidad at ng puwersa ng pagbibigay, ganoon din mararamdaman ng elementong iyon ang sarili nito sa parehong kalagayan ng pangkalahatang puwersa ng realidad—ibig sabihin, mabuti, walang hanggan, buo, walang limitasyon—anumang gusto mong itawag dito.
Ang epekto ng batas na ito ay nararamdaman din sa ating mundo: kapag mas balanse ang tao sa kanyang kapaligiran, mas maganda ang nararamdaman niya. Ang taong balanse sa paligid niya ay hindi nakakaramdam ng presyon—hindi rin siya nagpapataw ng presyon, ni pinapasan ang presyon mula sa iba. Hindi siya masyadong malamig o mainit; lahat ay balanse. Nararamdaman niya ang sarili at ang mundo bilang isa, at siya ay masaya. Sa kabuuan, ang pangkalahatang batas ng realidad ay batas ng pagbibigay: ayon sa ating pagkakatulad dito, mas gumagaan ang ating pakiramdam; kapag tayo ay salungat dito, mas masama ang ating nararamdaman.
Bumubukas ang mga bagong “Reshimot” (espirituwal na tala) sa tao sa bawat sandali, at ang kanyang ego ay umuunlad ayon dito. Sa libu-libong taon ng pag-unlad ng sangkatauhan, ang ego ay patuloy na lumalakas—sa indibidwal at sa sangkatauhan bilang kabuuan. Kaya habang lumilipas ang panahon, higit na nararamdaman ng tao ang pagiging salungat sa puwersa ng pagbibigay, at lumalala ang kanyang masasamang pakiramdam. Sa bawat henerasyon, tumitindi ang pagdurusa. Ipinaliwanag ni Baal HaSulam na layon ng batas na ipakita sa tao ang kanyang tunay na kalagayan. Ipinapakita ng batas ng pagbibigay ang antas ng kawalan ng balanse sa pagitan ng tao at ng puwersa ng pagbibigay, kaya’t pinipilit siyang hanapin ang balanse—upang marating ang mabuting kalagayan. Kung matagpuan natin ang balanse sa puwersa ng pagbibigay, magiging katulad natin ito sa perpektong kalagayan, at madarama natin ang buhay na walang hanggan, walang limitasyon.
Ayon kay Baal HaSulam, ang obligasyon na maging katulad ng puwersa ng pagbibigay ay naihahayag sa tao bilang pag-ibig sa kapwa. Hindi alam ng tao kung paano maging kapantay ng batas mismo nang direkta. Subalit kung ang batas ay batas ng pagbibigay, at naipapakita ito bilang pag-ibig sa kapwa, sa pamamagitan ng walang limitasyong pag-ibig sa lahat ng nakapaligid sa kanya, ang tao ay magiging ganap na katulad ng Kataas-taasang Puwersa—isang puwersa na purong pagbibigay.
Kung hindi nais ng tao na maging katulad ng kalikasan, ng Kataas-taasang Batas, pipilitin siya ng Kataas-taasang Batas sa pamamagitan ng pagdurusa. Kaya maaaring maging matalino at gumawa ng hakbang pasulong ng kusang-loob tungo sa pagkakatulad sa Kataas-taasang Puwersa, o magpatuloy sa pagtanggap ng mga hampas, hanggang sa pilitin tayo ng kalikasan sa pamamagitan ng pagdurusa.
“Kapayapaan” ay nangangahulugang pagkakatulad ng anyo sa Kataas-taasang Puwersa.
Sinasabi ni Baal HaSulam na ang obligasyon kaugnay ng gawain ng Maylalang ay maaaring patunayan sa bawat tao sa pamamagitan ng siyentipikong pananaliksik batay sa empirikal na ebidensya.
Sa ibang salita, sa isang banda, obligadong maging katulad ang tao sa Kataas-taasang Puwersa, at sa kabilang banda, mas mainam na magawa ito ng kusa, bago tayo pilitin ng pagdurusa. Ipinakita ito ni Baal HaSulam sa siyentipiko at makaranasang pananaliksik, sunud-sunod sa artikulo.
Pagpapatuloy ni Baal HaSulam
Ngayon na tiyak na natin ang pamamaraan ng Kanyang gawain, nararapat pang itanong kung tinatanggap ba natin ang gawaing ito sa paniniwala lamang, walang anumang siyentipiko o empirikal na batayan, o may empirikal din ba tayong batayan ukol dito. Ito ang nais kong patunayan sa sanaysay na ito.
Ngunit una kailangan kong patunayan ng buo ang mismong paksa, ibig sabihin, kung sino ang tumatanggap ng ating gawain.
Subalit hindi ako mahilig sa pormulasyon ng pilosopiya, sapagkat hindi ako sang-ayon sa mga pag-aaral na puro teorya, at kilala na karamihan ng mga kapanahon ko ay sumasang-ayon dito, sapagkat pamilyar na tayo sa mga ganoong pundasyon, na mga marurupok na pundasyon, at kapag ang pundasyon ay umuuga, ang buong gusali ay bumabagsak.
Kaya’t narito ako upang magsalita lamang batay sa pagsusuri ng empirikal na katuwiran, nagsisimula sa simpleng pagkilala na walang tumututol, hanggang sa patunay na analitiko [paghiwalay-hiwalayin ang iba’t ibang sangkap ng usapin], hanggang makarating tayo sa napakataas na paksa.
Paliwanag ni Michael Laitman
Ang Kabbalah ay agham, isang pamamaraan, at kaya ito tinatawag na karunungan. Sa Kabbalah, walang lugar ang bulag na paniniwala. Ang konsepto ng “pananampalataya sa mga pantas” ay nangangahulugang pagdinig sa mga payo ng mga dakila upang makuha ang kanilang kaalaman. Ang taong sumusunod sa “pananampalataya sa mga pantas” ay naniniwalang higit ang karunungan ng Kabbalista kaysa sa kanya, gaya ng bata sa may sapat na gulang. Kung pinag-aralan ng isa ang karunungang iyon, maaabot niya ito. Sa pagsunod sa payo ng pantas, tinatanggap ng tao ang karunungan ng pantas. Ang kahulugan ng pananampalataya sa karunungan ng Kabbalah ay tulad ng tiwala ng mga bata sa kanilang mga magulang; kung wala ito, hindi mapapasa-taas ng isa mula sa isang antas patungo sa mas mataas na antas. Kung nais umunlad ng nakakabata, kailangan niyang makinig sa patnubay ng nakatatanda. Ang pananampalataya sa karunungan ng Kabbalah ang syang nag-uugnay mula sa isang antas sa susunod—wala nang iba pa. Hindi ito paniniwala sa hindi maaabot o di-nalalaman, ni tumutukoy man sa paniniwala sa kabilang buhay.
Ang mga pagsasaliksik nina Abraham at Moises ay mabuting halimbawa ng pagsisiyasat batay sa karanasan. Ayon sa Midrash, si Abraham ay nagtatanong kung bakit siya nabubuhay, bakit nilikha ang mga bituin, at para saan ang buong mundo. Ang pagsasaliksik na ito, ang mga tanong na ito ang nagdala sa kanya sa pagtuklas ng nag-iisang puwersang umiiral sa realidad—ang puwersa ng pagbibigay.
Ang pagnanais ng tao ang naglalantad sa kalikasan ng nilikha sa antas na tinatawag na “Kataas-taasang Puwersa.” Ang pagsasaliksik sa karunungan ng Kabbalah ay batay lahat sa karanasan. Ang “pananampalataya sa mga pantas” ay nangangahulugang pagkatuto mula sa mga dakila kung paano isagawa ang ating pagsasaliksik.
Baal HaSulam:
Mga Kabaligtaran sa Pangangalaga
Anumang matalinong tao na sumusuri sa realidad sa ating harapan ay nakakakita ng dalawang ganap na magkasalungat dito. Kapag sinusuri ang nilikha, ang realidad at ang mga pagganap nito, malinaw at kitang-kita ang pamumuno ng dakilang karunungan at kasanayan, 1) tungkol sa pagbuo ng realidad at 2) sa pagtiyak ng pag-iral nito sa pangkalahatan.
Halimbawa natin ang pagbuo ng tao: Ang pag-ibig at kaligayahan ng mga magulang ang unang dahilan nito, na natitiyak na magaganap ang tungkulin. Kapag nakuha na ang mahalagang punla mula sa utak ng ama, napaka-mahusay ng pag-ingat ng Providence na mayroong ligtas na lugar para dito, upang maging karapat-dapat tumanggap ng buhay.
Paliwanag ni Michael Laitman
Mula sa pananaw ng kaayusan ng nilikha, inaalagaan ng kalikasan ang lahat ng detalye nito. Ang pag-aalaga na ito ay lalo na kitang-kita sa mga elementong dumadaan sa proseso ng pag-unlad. Hangga’t hindi naaabot ng isang ginagawang bagay ang kabuuan nito, daraan ito sa mga pabago-bagong estado. Binabantayan ng kalikasan ang pag-unlad nito sa mga estadong ito at nagbibigay ng mga sistemang sumusuporta para tumulong sa paglago at pagyayabong.
Ganito rin sa pagbuo ng materya sa antas ng walang-buhay; gayundin sa antas ng halaman at hayop—at lalo na sa antas ng nagsasalita (tao). Habang mas malaki ang hangaring tumanggap, mas mahaba ang pag-unlad ng nilikha. Maaaring tapusin ng halaman ang proseso ng pag-unlad sa loob lamang ng ilang oras; sa ibang pagkakataon, maaaring abutin ito ng mga araw o buwan. Maliit ang hangaring tumanggap sa antas ng halamang-buhay, kaya’t maikli ang pag-unlad. Sa antas hayop, inaabot ng ilang taon ang pag-unlad, at sa antas tao, dekada. Malaki ang hangaring tumanggap ng nagsasalita kaya’t kailangan nito ng iba-ibang uri ng pag-unlad, mula sa pinakamalalim na antas.
Sinasiguro ng kalikasan na lahat ng detalye nito ay mapapunta mula sa yugto ng pag-unlad pa tungo sa ganap na antas. Kapag mas malaki ang hangaring tumanggap, mas malakas ang presyon ng kalikasan para umaksyon at magbago. Mas kaunti ang presyon na inilalapat sa walang-buhay; mas marami sa halamang-buhay, hayop, at pinakamarami sa nagsasalita. Sa kabuuan, ang pagtrato ng kalikasan sa nilikha ay nakabatay sa antas ng pag-unlad at laki ng ego, at sa proseso ng pag-unlad, magiliw ang pagtrato ng kalikasan.
Sa buod, sa tao ay may bahagi na kailangang kompletuhin ng tao mismo kapalit ng Providence. Nakakubli sa atin ang Kataas-taasang Puwersa; pinalago niya tayo sa mga antas ng walang-buhay, halamang-buhay, hayop, hanggang sa nagsasalita. Sa walang-buhay, halamang-buhay, at hayop, maganda ang paggana ng tao. Ngunit sa nagsasalita, ‘di-umano walang pangangasiwa. Ang aksyon ng Providence sa antas ng nagsasalita ay pagpapakita lamang sa tao ng kaibahan ng sarili nila at ng Kataas-taasang Puwersa—at wala nang iba pa.
Hindi gumagamit ng personal na halimbawa ang Kataas-taasang Puwersa upang pilitin ang tao na maging mabuti. Ipinapakita ang mga palatandaan ng kawalang-balanse sa pamamagitan ng pagdurusa, at ang pagdurusa ay nagtutulak sa tao na itanong ang “Bakit?”—upang magreklamo tungkol sa sakit ng pag-unlad. Sa puntong ito, kailangan ng tao na kompletuhin ang Providence, upang kumilos bilang bahagi ng Maylalang, sa lugar Niya. Nais ng Maylalang na ang tao sa antas ng nagsasalita ay tumayo sa Kanyang lugar.
Sa walang-buhay, halamang-buhay, at hayop na antas ay walang pagpipilian; dito, kalikasan ang nagtatakda. Sa antas ng nagsasalita, obligadong maging “Adam” (Tao) ang tao. Ang “Adam” ay galing sa salitang *Adameh*—“Ako ay magiging kahawig”—ng Kataas-taasan, ibig sabihin ay maging katulad ng Maylalang. Kailangang matuto tayo mula sa Kataas-taasan, gaya ng nasusulat, “Sa Iyong mga gawa, Nakilala Ka Namin,” at bilang resulta ng pagkatutong ito, maging tunay na tao—umangat sa antas ng Maylalang.
Ito ang ibig sabihin ng mga salita ni Baal HaSulam: kailangan nating marating ang antas ng Maylalang.