Aralin 8. Kalayaan ng Kalooban - bahagi 2

Aralin 8. Kalayaan ng Kalooban - bahagi 2

Nilalaman ng aralin
Mga Materyales

Aralin 8. Kalayaan ng Kalooban - bahagi 2

Mga Napiling Sinipi mula sa Artikulo ni Baal HaSulam na “The Freedom”


Impluwensya ng Kapaligiran

Ang pangalawang dahilan ay isang hindi nagbabagong, tuwirang pagkilos ng sanhi at bunga, na may kaugnayan sa sariling katangian ng pinagmula. Ibig sabihin, gaya ng ating ipinaliwanag sa trigo na nabubulok sa lupa, ang kapaligiran kung saan namamahinga ang pinag-uugatan, gaya ng lupa, mineral, ulan, hangin, at araw ay umaapekto sa pagtatanim sa pamamagitan ng isang mahabang kadena ng sanhi at bunga sa isang mahaba at unti-unting proseso, estado kada estado, hanggang sa ito ay hinog na.

At ang pinagmulan na iyon ay muling bumabalik sa dating anyo nito, ang anyo ng trigo, ngunit nagkakaiba sa kalidad at dami. Sa kanilang pangkalahatang aspeto, nananatili silang ganap na hindi nagbabago; kaya wala kang makikitang tumubong butil o oats mula rito. Ngunit sa kanilang partikular na aspeto, nagbabago sila sa dami, gaya ng mula sa isang tangkay ay nagmumula ang isang dosena o dalawa pang dosenang mga tangkay, at sa kalidad, sapagkat mas maganda o mas mababa ang mga ito kaysa sa dating anyo ng trigo.

Ganoon din dito: Ang tao, bilang isang “pinagmulan,” ay inilalagay sa isang kapaligiran, ibig sabihin sa lipunan. Siya ay tuloy-tuloy na naaapektuhan nito, gaya ng trigo mula sa kanyang kapaligiran, sapagkat ang pinagmulan ay isang hilaw na anyo lamang. Kaya, sa tuloy-tuloy na ugnayan sa kapaligiran at lipunan, siya ay unti-unting naiimpluwensyahan ng mga ito sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga estado, isa-isa, bilang sanhi at bunga.

Sa panahong iyon, ang mga pagkiling na kasama sa kanyang pinagmulan ay nagbabago at nagkakaroon ng anyo ng mga konsepto. Halimbawa, kung ang isa ay nagmana mula sa kanyang mga ninuno ng pagkiling sa pagiging kuripot, habang siya ay lumalaki bumubuo siya para sa sarili ng mga konsepto at mga kaisipan na nagpapatibay na mabuti para sa tao na maging kuripot. Kaya, bagaman ang kanyang ama ay mapagbigay, maaari niyang mana mula dito ang negatibong pagkiling—ang pagiging kuripot—sapagkat ang kawalan ay kasing halaga rin ng pagmamana gaya ng presensya.

O, kung ang isa ay nagmana mula sa mga ninuno ng pagkiling na maging bukas ang isipan, bubuo siya para sa sarili ng mga konsepto at pagkukunan ng mga ito ng konklusyon na mabuti para sa tao na maging bukas ang isipan. Ngunit saan niya makikita ang mga pangungusap at pangangatwirang ito? Kinuha niya lahat ito mula sa kapaligiran nang hindi namamalayan, sapagkat nililinang nila sa kanya ang kanilang mga pananaw at mga hilig sa anyong unti-unting sanhi at bunga.

Kaya, itinuturing ng tao ang mga ito bilang kanyang sariling pag-aari, na nakuha niya mula sa kanyang malayang pag-iisip. Ngunit dito rin, gaya ng sa trigo, may isang bahagi ng pinagmulan na hindi nagbabago, na kung saan sa huli, ang mga pagkiling na kanyang minana ay nananatili gaya ng sa kanyang mga ninuno. Ito ay tinatawag na “ikalawang salik.”


Ang Nakagawian ay Nagiging Ikalawang Kalikasan

Ang ikatlong dahilan ay isang pagkilos ng tuwirang sanhi at bunga, na umaapekto sa pinagmulan at nagpapabago dito. Sapagkat ang mga minanang hilig ng tao ay naging mga konsepto dahil sa kapaligiran, sila ay kumikilos sa parehong direksyong itinatakda ng mga konseptong iyon. Halimbawa, ang isang tao na likas na matipid, na ang pagkiling sa pagiging kuripot ay naging isang konsepto sa pamamagitan ng kapaligiran, ay nakikita ang pagtitipid sa ilang makatwirang kahulugan.

Ipagpalagay natin na sa ganitong gawi ay napapangalagaan niya ang sarili mula sa paghingi sa iba. Kaya, nakakuha siya ng panukat para sa pagtitipid, at kapag wala na ang takot na iyon, maaari niya itong bitawan. Samakatuwid, lubhang nagbago siya para sa mas mabuti mula sa pagkiling na minana niya mula sa kanyang mga ninuno. At kung minsan ay nagagawa ng isa na ganap na alisin ang isang masamang pagkiling. Nagagawa ito sa pamamagitan ng nakagawian, na may kakayahang maging ikalawang kalikasan.

Sa bagay na iyon, mas malakas ang tao kaysa sa halaman, sapagkat ang trigo ay maaari lamang magbago sa sarili nitong bahagi, samantalang ang tao ay maaaring magbago sa pamamagitan ng sanhi at bunga ng kapaligiran, kahit pa sa mga pangkalahatang bahagi, ibig sabihin ay ganap na alisin ang isang pagkiling at itransporma ito sa kabaligtaran nito.


Panlabas na mga Salik

Ang ikaapat na dahilan ay isang pagkilos ng sanhi at bunga na umaapekto sa pinagmulan sa pamamagitan ng mga bagay na lubos na hindi nauugnay dito at kumikilos dito mula sa labas. Ibig sabihin, ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa proseso ng paglago ng pinagmulan upang tuwirang makaapekto dito. Sa halip, kumikilos sila nang hindi tuwiran. Halimbawa, pananalapi, mga pasanin, o mga hangin, at iba pa, ay may sarili nilang ganap, mabagal, at unti-unting kaayusan ng mga kalagayan sa paraang “sanhi at bunga” na nagpapabago sa mga konsepto ng tao para sa mabuti o masama.

Sa ganitong paraan, nailahad ko ang apat na likas na mga salik kung saan bawat pag-iisip at ideya na lumilitaw sa atin ay bunga lamang ng mga ito. Kahit pa ang isa ay umupo at magmuni-muni buong araw, hindi niya kayang dagdagan o baguhin ang ibinibigay ng apat na salik na iyon. Anumang dagdag na kaya niyang gawin ay sa dami: maging malawak na katalinuhan o maliit lamang. Ngunit sa kalidad, hindi siya makakadagdag kahit kaunti. Ito ay dahil sila ang tiyak na nagtatakda ng likas na katangian at anyo ng ideya at konklusyon laban sa ating kagustuhan, nang hindi kinukuha ang ating opinyon. Kaya, tayo ay nasa mga kamay ng apat na salik na ito, gaya ng luwad sa kamay ng magpapalayok.


Malayang Pagpili

Gayunpaman, kapag sinuri natin ang apat na salik na ito, makikita natin na kahit na wala tayong sapat na lakas upang harapin ang unang salik, ang pinagmulan, mayroon pa rin tayong kakayahan at malayang pagpili upang protektahan ang ating sarili laban sa iba pang tatlong salik na nagpapabago sa pinagmulan sa mga indibidwal na bahagi nito, at paminsan-minsan sa pangkalahatang bahagi, sa pamamagitan ng nakagawian, na nagbibigay dito ng ikalawang kalikasan, gaya ng ipinaliwanag sa itaas.


Ang Kapaligiran Bilang Salik

Ang proteksyong ito ay nangangahulugang palagi tayong makakadagdag sa usapin ng pagpili ng ating kapaligiran, tulad ng mga kaibigan, aklat, guro, at iba pa. Ito ay gaya ng tao na nagmana ng ilang tangkay ng trigo mula sa kanyang ama. Mula sa maliit na daming ito, maaari siyang makapagpalago ng maraming dosenang mga tangkay sa pamamagitan ng pagpili ng kapaligiran para sa kanyang pinagmulan, na siyang matabang lupa na naglalaman ng lahat ng kailangang mineral at hilaw na materyales na magpapalusog sa trigo nang sagana.

Mayroon ding usapin ng paggawa upang mapabuti ang mga kondisyon ng kapaligiran upang umangkop sa pangangailangan ng halaman at paglago, sapagkat ang marunong ay pipili ng pinakamagandang kondisyon at magtatagumpay. At ang mangmang ay kukuha ng kung ano lamang ang napunta sa kanya at sa gayon ay gagawing sumpa imbes na biyaya ang pagtatanim.

Kaya, ang lahat ng kanyang papuri at kita ay nakasalalay sa pagpili ng kapaligiran kung saan itatanim ang trigo. Ngunit kapag ito ay natanim na sa napiling lugar, ang lubos na anyo ng trigo ay mapagpapasyahan ayon sa antas na maipagkakaloob ng kapaligiran.

Ganoon din ang kaso sa ating paksa, sapagkat totoo na ang pagnanasa ay walang kalayaan. Sa halip, ito ay pinapatakbo ng apat na salik na nabanggit sa itaas. At ang isa ay napipilitang mag-isip at magsuri gaya ng kanilang ipinapayo, walang kakayahan upang magkilatis o magbago, gaya ng trigo na naitanim na sa kanyang kapaligiran.

Gayunpaman, may kalayaan ang kalooban na pumili sa simula pa lang ng gayong kapaligiran, ng gayong mga aklat, at gayong mga guro na magtuturo sa kanya ng magagandang konsepto. Kung hindi ito gagawin ng isa ngunit handang sumali sa kahit anong kapaligiran na dumarating sa kanya at magbasa ng kahit anong aklat na nahuhulog sa kanyang mga kamay, tiyak na mapupunta siya sa masamang kapaligiran o mag-aaksaya ng oras sa mga walang saysay na aklat, na sagana at mas madaling ma-access. Sa bandang huli, mapipilitan siyang tanggapin ang masasamang konsepto na magtutulak sa kanya sa pagkakasala at paghatol. Tiyak na siya ay mapaparusahan, hindi dahil sa kanyang masasamang pag-iisip o gawa, na wala siyang pagpipilian, kundi dahil hindi niya pinili na mapabilang sa mabuting kapaligiran, sapagkat dito ay tiyak na may pagpipilian.

Kaya, ang sinumang nagsisikap na patuloy na pumili ng mas mabuting kapaligiran ay karapat-dapat na purihin at gantimpalaan. Ngunit dito rin, hindi ito dahil sa kanyang mabubuting iniisip o ginawa, na dumating sa kanya nang wala siyang pagpipilian, kundi dahil sa kanyang pagsisikap na tamuhin ang mabuting kapaligiran, na siyang nagdadala ng mabubuting kaisipan at gawain para sa kanya. Gaya ng sinabi ni Rabbi Yehoshua Ben Parchiya, “Gumawa ka para sa iyong sarili ng isang rav at bumili ka ng isang kaibigan.”